CAUAYAN CITY – Inaasahang magsagawa ng emergency meeting ngayong linggo ang inter-agency task force sa coronavirus disease (COVID-19) sa Region 2 makaraang isinailalim sa Code Red Sub Level 1 ang bansa dahil sa pagkakaroon na ng local transmission ng nasabing virus.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Rio Magpantay, Regional Director ng Department of Health (DOH) Region 2, sinabi niya na aayusin niya ang lahat para sa pagsasagawa ng emergency meeting na dadaluhan ng mga kinatawan ng mga lalawigan sa Rehiyon.
Layunin nitong mapag-usapan ang mga dapat na gawing hakbang upang mapigilan ang pagpasok ng virus sa rehiyon.
Marapat din anyang malaman ng mga kasapi ng inter-agency task force ang mga tamang gawin kapag nagkaroon ng local transmission sa COVID-19 at ang tamang pag-quarantine sa mga PUI’s na galing sa mga bansang infected ng nasabing sakit.











