CAUAYAN CITY – Sinimulan nang bakunahan ang mga kabilang sa A5 Priority list o ang mga Indigent Individual na nasa high risk areas sa Lambak ng Cagayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa Head ng Operation for Vaccination ng DOH Region 2 na si Joyce Maquera, sinabi niya na patuloy ang kanilang vaccination rollout kahit pa isinailalim sa mataas na alerto ang ilang lugar sa rehiyon.
May schedule na sinusunod ang kagawaran sa kanilang vaccination sa mga lugar na nakasailalim sa ECQ.
May mga lugar namang humiling na itigil muna ang vaccination rollout dahil sa kakulangan sa bilang ng kanilang vaccination teams.
Nasa mahigit tatlumput siyam na bahagdan na ang natapos ng DOH Region 2 na mabakunahan sa mga A Listed groups na may kabuuang bilang na mahigit 1.2 milyon.
Sa A1 Category o ang mga healthworkers ay nasa 98.56% na ang natatapos mabakunahan habang nasa 65.66% naman ang tapos na sa A2 Category o ang mga Senior Citizens.
Nasa 73.31% sa A3 Category o ang mga may comorbidities ang nabakunahan na habang sa A4 o ang mga kabilang sa Frontline Economic Workers ay nasa 19% ang natapos na mabakunahan.
Samantala nag umpisa na ang ilang lugar sa rehiyon sa pagbabakuna sa mga kabilang sa A5 Category o ang mga mahihirap na umabot na sa 737 ang nabakunahan habang ang mga kabilang sa Expanded priority tulad ng mga OFWs, Seafarers na aalis ng bansa sa loob ng anim ng apat na buwan at ang mga household members o kapamilya ng mga hospital staff.
Dahil nasa high risk areas ang rehiyon ay mabilis ang pagdating ng mga bakuna mula sa pambansang pamahalaan kaya tiniyak ng DOH Region 2 na sapat ang suplay ng bakuna para sa mga nasa priority list na nakatakdang mabakunahan.
Ayon kay Ms. Maquera nahihirapan silang mabakunahan ay ang mga senior citizens dahil hirap silang magtungo sa mga vaccination sites kaya may plano ngayon ang DOH na kapag dinala ng kapamilya ang isang senior citizen ay babakunahan na rin ang nagdala sa kanya upang mas mahikayat silang magtungo sa vaccination sites.











