CAUAYAN CITY – Nakapagtala na ng limang confirmed cases ng Pertussis ang Department of Health (DOH) Region 2 mula Enero hanggang Abril, 2024.
Dalawa sa mga ito ang mula sa Cagayan, dalawa rin sa Isabela at isa ang mula sa Kalinga.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Liezel Jampas, Health Program Researcher/OIC ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit ng DOH Region 2, sinabi niya na lahat ng limang kaso ay admitted at nakarekober na sa naturang sakit.
Batay sa pagsisiyasat ng Epidemiology and Surveillance Unit, hindi pa natutukoy kung saan o paanong nahawaan ng Pertussis o Ubong dalahik ang naturang mga pasyente na mula 29 days old hanggang 4 months old na karamihan ay mga lalaki.
Kadalasang nagsisimula ang Pertussis sa simpleng ubo o sipon na tatagal hanggang dalawang linggo bago magkakaroon ng bugso na nauuwi sa Whooping cough.
Kadalasang nakikita sa mga sanggol o bata ang isa sa mga sintomas ng pertussis na pagduduwal pagkatapos umubo.
Dahil sa pagkakatala ng kaso ng Pertussis ay mas pinalakas ng DOH Region 2 ang kanilang routine immunization kaya hinihikayat nila ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak ng pentavalent vaccine para magkaroon ng proteksyon laban sa pertussis.
Kasabay nito ang tuluy-tuloy na surveillance at pag-uulat ng mga naitatalang indibiduwal na nakikitaan ng sintomas ng pertussis na agad isailalim sa confirmatory testing.
Pinakamabisa para maiiwas sa sakit ay ang palagiang paghuhugas ng kamay at paggamit ng disinfectant o alcohol.