CAUAYAN CITY – Nakapagtala na ang Department of Health (DOH) Region 2 ng siyam na kaso ng pagkasawi dahil sa rabies ngayong unang quarter ng 2024.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Mar Wyn Bello, Regional Assistant Director ng DOH Region 2, sinabi niya na nakakalungkot ito dahil unang quarter pa lamang ng 2024 ay umakyat na sa siyam ang nasawi sa Region 2 dahil sa rabies.
Aniya, kung magpapatuloy ito ay maaaring malampasan ang naitalang pagkasawi dahil sa rabies noong nakaraang taon.
Batay sa datos ng Kagawaran, noong 2023 ay nakapagtala lamang sila ng 13 cases na mas mababa kumpara sa 22 cases na naitala noong 2022.
Ang kapansin-pansing pagbaba ng kaso noong 2023 ay dahil sa ginawa nilang pagbabakuna ng rabies vaccine sa mga alagang aso sa mga barangay.
Dahil sa patuloy na pagkakatala ng rabies ay nagpapatuloy ang DOH Region 2 sa kanilang adbokasiya na hikayatin ang publiko na magpabakuna.
Isinusulong din nila ang responsible pet ownership para lahat ng mga alagang hayop ay mabakunahan ng anti-rabies.