Isinailalim na sa code white alert ang department of Health (DOH) region 2 habang papalapit ang pagdiriwang ng pasko at pagsalubong ng bagong taon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Health Emergency Management Unit Head Christine Balangue ng DOH region 2 na nagsimula na nilang paigtingin ang kanilang information dessimination upang hikayatan ang publiko na huwag gumamit ng paputok sa pagsalubong ng bagong taon.
Mas makakabuting gumamit na lamang aniya ang mga mamamayan ng mga alternatibong pampaingay sa pasko at pagsalubong ng bagong taon.
Inilabas na rin ang mga hotline numbers ng mga tanggapan ng DOH region 2 sa mga lalawigan sa ikalawang rehiyon.
Ayon pa kay Health Emergency Management Unit Head Balangue, umaasa silang wala nang mabibiktima ng paputok sa pagsalubong ng bagong taon.
Noong 2021 ay nakapagtala ng 36 na biktima ng paputok at dalawa sa kanila ang na-admit sa ospital.
Magsisimula ang monitoring ng DOH sa mga biktima ng paputok sa December 16, 2022 hanggang ikalima ng Enero 2023.
Nagpaalala pa si Balangge sa mga mamamayan na ugaliin pa ring sumunod sa mga health protocols upang maiwasan ang pagdami ng mga maitatalang kaso ng COVID-19.
Kailangan pa ring magsuot ng face mask, maghugas ng kamay at umiwas sa mga matataong lugar.