CAUAYAN CITY – Nilinaw ng DOH Region 2 na hindi nila tinanggal ang proseso ng pag assess sa vital signs ng mga mababakunahan kontra Covid 19.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Joyce Maquera, ang Head ng Operation for Vaccination ng DOH region 2, ang tanging nabago lamang ngayon ay ang hindi na pagpapapirma ng consent sa mga babakunahan ng 2nd dose dahil may consent na silang pinirmahan noong una silang mabakunahan.
Ayon kay Maquera walang inilabas na memorandum ang National Vaccine Operation Center ng DOH na nagtatanggal sa vital signs taking bilang assessment sa vaccination.
Sa mga nagdaang araw ay naging mabilis ang vaccination rollout sa Rehiyon kung saan importanteng mabakunahan na ang mga priority target groups.
Sa kasalukuyan nasa 96.22% na ang consumption rate sa vaccination rollout sa Region 2 ayon sa DOH Region 2.
Mula sa 71,440 covid vaccines na natanggap ng Rehiyon ay nasa 68,000 nang mga health workers at frontliners ang nabakunahan.
Samantala isa ang Rehiyon Dos sa may pinakamaraming nasirang covid vaccine dahil sa hindi nabantayang temperatura ng cold chain storage, maging ang mga nagkaroon ng spillage sa vials o kulang ang laman nito kaya hindi maaaring maibakuna.
Nasa mahigit apatnapung vials ang nasayang sa Lalawigan ng Isabela habang tatlumput dalawa naman sa lalawigan ng Cagayan.
Pinaalalahanan naman ng DOH Region 2 ang mga health workers na iwasang may masayang sa mga bakuna dahil sa kakulangan ng suplay nito.