
CAUAYAN CITY – Nasa moderate risk classification pa rin ang rehiyon dos sa kabila ng maraming kasong naitatala pangunahin na sa lunsod ng Tuguegarao at nagkakapunuan na ang Cagayan Valley Medical Center ayon sa DOH Region 2.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Rio Magpantay, ang Regional Director ng DOH Region 2, sinabi niya na ang dapat lang na nilalagay sa mga tertiary hospitals tulad ng CVMC ay ang mga severe at kritikal na kaso at ang mga mild at asymptomatic ay sa mga isolation facility na lamang sila dalhin.
Aniya nakagawa na sila ng Covid 19 surge plan para sa mga referral at pribadong ospital ospital sa rehiyon na tumatanggap ng covid cases upang mapaghandaan ang pagtaas ng kaso.
Sa pamamagitan ng surge plan ay nagdaragdag sila ng bed capacity sa mga ospital upang maasikaso ang mga darating na pasyente.
Ayon kay Dr. Magpantay mayroo silang tinatawag na 4S ito ay ang struktura at espasyo – ito ang pag aallocate ng mas maraming kama para sa mga pasyente at paghahanap ng espasyo na paglalagyan sa mga pasyente sakaling magkaroon ng pagtaas ng kaso.
Ang ikalawang S ay STAFF o ang kanilang human resources na siyang mag aasikaso sa mga pasyente.
Pangatlong S ang STUFF o ang mga logistics at commodities tulad ng gamot at oxygen.
Pang apat na S ang Special Services o ang System tulad ng mga testing laboratories.
Muli namang pinaalalahanan ng DOH Region 2 ang publiko na manatiling sumunod sa mga ipinapatupad na panuntunan ng pamahalaan upang makaiwas sa virus.










