--Ads--

CAUAYAN CITY- Bumili na ang Department of Health Region 2 ng mga fumigation machines para sa fogging upang mapababa ang kaso ng Dengue sa Lambak ng Cagayan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Mar Wynn Bello, Regional Assistant Director ng DOH Region 2, sinabi niya na ang mga binili nilang machines ay mas malaki kung ikukumpara sa mga fogging machines na mayroon ang kagawaran.

Mas malawak aniya ang kaya nitong I-fog dahil naka-disenyo talaga ito para sa komunidad.

Nilinaw niya na bagama’t nakabili na sila ay hindi naman nila tiyak kung kailan nila ito maidedeliver ngunit siniguro niya na kapag natanggap na nila ang mga ito ay agad nila itong ipapamahagi sa mga Local Government Units.

--Ads--

Samantala, nagbahagi naman siya ng ilang mga pamamaraan upang maiwasan ang pagtaas ng kaso ng Dengue sa Lambak ng Cagayan.

Ayon kay Dr. Bello, ugaliing magsuot ng mga long sleeves at pantalon para maiwasan na makagat ng lamok.

Kadalasan aniyang kumakagat ang mga lamok simula alas sais ng umaga hanggang alas sais ng gabi kaya naman magdoble ingat sa mga oras na ito.

Panatilihin aniyang malinis ang kapaligiran para walang pamahayan ang mga lamok at kiti-kiti na siyang nagdadala ng sakit na dengue.

Aniya, kapag nakaramdam ng sintomas ng dengue kagaya na lamang ng lagnat, pananakit ng katawan at rashes ay magtungo kaagad sa health center para maaagapan ang karamdaman.