
CAUAYAN CITY – Tinututukan ngayon ng DOH region 2 ang apat na Lunsod sa Rehiyon na nakikitaan ng pagtaas ng mga nagpopositibo sa COVID 19.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Dr. Rio Magpantay ng DOH region 2, sinabi niya na kabilang sa kanilang tinututukan ay ang Santiago City, Cauayan City, Tuguegarao City at City of Ilagan na may mga naitalang community transmission.
Napansin nila ang tumataas ang bilang ng mga nagpopositibo sa virus sa naturang mga lunsod na dapat natutugunan sa pamamagitan ng kaagad na paglalagay ng mga closed contacts sa isolation Facility.
Sa kabila naman ng pagtaas ng kaso sa Lunsod ng Santiago ay natutugunan ito ng kanilang LGU sa pagsasagawa ng
aggressive community testing para matukoy ang mga pasyenteng nakasalamuha ng mga COVID 19 positive patients.
Patuloy naman ang paalala ni Dr. Magpantay sa publiko na iwasan muna ang mga Social Gathering ngayong nalalapit na kapaskuhan upang maiwasan ang paglaganap ng virus.
Maaari naman aniyang maipagdiwang ang pasko at bagong taon kasama ang mga kapamilya nang hindi nag-aanyaya ng ibang mga bisita na mula sa ibang lugar.
Ipinayo rin niya na iwasan na muna ang pagsasagawa ng videoke parties dahil mas maaaring maikalat ang virus sa pamamagitan ng pagkanta.










