Handa ang Department of Justice o DOJ na magbigay ng ₱1 milyong pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng puganteng si Cassandra Li Ong.
Sa pahayag ni Acting Justice Secretary Fredderick Vida ngayong Martes, Nobyembre 25, sinabi nitong nakahanda ang DOJ na maglaan ng malaking pabuya upang matunton at maiharap si Ong sa Regional Trial Court (RTC) ng Pasig City, kung saan siya kasalukuyang may kinakaharap na kaso.
Dagdag pa ng kalihim, naglaan na ang DOJ ng pondo para masigurong mananagot si Ong sa batas.
Ayon pa kay Vida, batid ng mga awtoridad na matagal nang may kakayahan si Ong na makagalaw, makalabas, at makapasok sa bansa nang hindi natutukoy.
Matatandaan na kamakailan ay inihayag ni Sen. Win Gatchalian na matagal nang hindi nakakulong si Ong, na isa sa mga personalidad na iniuugnay sa ilegal na operasyon ng mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).
Noong Lunes, Nobyembre 24, 2025, opisyal na kinansela ng Pasig City RTC ang pasaporte ni Ong, kasama sina dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque, at mga opisyal ng Technology Resource Center na sina Dennis Cunanan, Ronelyn Baterna, at Mercides Macabasa.
Ang mga nabanggit na indibidwal ay nahaharap sa kasong human trafficking na konektado sa POGO hubs na Lucky South 99 at Whirlwind Corporation.











