Maglalabas na ng subpoena ang Department of Justice (DOJ) sa susunod na linggo laban kina Senador Jinggoy Estrada at dating senador Ramon “Bong” Revilla kaugnay ng magkahiwalay na plunder complaints na inihain laban sa kanila kaugnay ng umano’y katiwalian sa mga flood control projects.
Sinabi ni DOJ Prosecutor General Richard Fadullon na sisimulan na ng kagawaran ang preliminary investigation sa sandaling mailabas ang mga subpoena.
Aniya, ibinalik na ng Office of the Ombudsman sa DOJ ang mga rekord ng kaso matapos ang isinagawang fact-finding ng National Bureau of Investigation (NBI) kasama ang mga piskal.
Nauna nang kinumpirma ng DOJ na naghain ang NBI ng hiwalay na plunder complaints laban kina Sen. Estrada at Revilla.
Ayon sa DOJ, hindi lamang sa Bulacan nakasentro ang mga kaso dahil ang halagang sangkot ay sumasaklaw sa mga flood control projects sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Mariing itinanggi ni Revilla ang pagkakasangkot sa mga umano’y “ghost” flood control projects, habang tahasang itinanggi rin ni Estrada ang alegasyong tumanggap umano siya ng kickbacks.
Sa ngayon, hinihintay pa ang opisyal na pahayag ng kampo ng dalawang mambabatas.
Samantala, kinakaharap din ng hiwalay na plunder complaint ang dating party-list representative na si Zaldy Co, habang nagsampa na ang Office of the Ombudsman ng mga kasong graft at malversation kaugnay ng umano’y ₱92.8 milyong ghost flood control project sa Bulacan.











