CAUAYAN CITY – Wala pang natanggap ang Department of Justice (DOJ) na extradition request mula sa Estados Unidos para dalhin doon si Pastor Apollo Quiboloy na nahaharap sa mga kasong labor trafficking, sex trafficking, cash smuggling at iba pang krimen sa Amerika.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan , sinabi ni Atty. George Ortha II, chief state counsel ng DOJ na hinihintay nila pa nila ang abiso mula sa embahada ng Amerika.
Noong nakaraang taon aniya ay napag-usapan nila ito ngunit sinabi ng US Embassy na wala pang abiso sa kanila.
Ayon kay Atty. Ortha, ang proseso ng extradition ay dumadaan sa diplomatic channel.
Ang gagawa ng request ay ang U.S. Justice Department at ipapasa sa US State Department na siyang magpapadala sa US Embassy sa Maynila.
Ang embahada naman ang magpapadala nito sa Department of Foreign Affairs (DFA) na siyang magsasagawa ng evaluation kung nasunod ang mga requirements sa extradition treaty.
Kung makita ng DFA na nasunod ang mga requirements ay ipapasa na sa DOJ.
Ayon kay Atty. Ortha, kung makita nilang may merito ang extradition request ay maghahain sila ng extradition petition sa korte sa Maynila.
Kung ipag-uutos ng korte na puwedeng i-extradite ang akusado ay pwede siyang umapela sa Korte Suprema.
Ayon kay Atty. Orta, hindi masasabi kung hanggang kailan magtatagal ang extradition process bago maipadala sa Amerika ang akusado.
May posibilidad aniya na maabuso o ma-overdue ang proseso para maantala ang extradition sa Amerika ni Pastor Quiboloy Quiboloy.











