--Ads--

Hindi pa tiyak ng Department of Justice (DOJ) kung maaapektuhan ng mga bagong dokumento ang bilis ng imbestigasyon sa mga sangkot sa anomalya sa flood control projects.

Ito ay kasunod ng pagsusumite ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa DOJ ng mga kaugnay na dokumento at rekord.

Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, bagama’t malaking tulong ang mga dokumentong ito, hindi pa rin matitiyak kung mapapabilis nito ang proseso ng imbestigasyon dahil sa mahigpit na sinusunod na pamamaraan.

Dagdag ni Atty. Martinez, kailangan munang pag-aralan ng DOJ ang mga ebidensiyang isinumite at hindi maaaring madaliin ang proseso.

--Ads--

Aniya, rerepasuhin muna ang mga dokumento upang matukoy kung may sapat na batayan para magsampa ng kaso.

Sa ilang buwang pagtatrabaho ng ICI, tinukoy na nila ang 65 indibidwal na inirefer sa Office of the Ombudsman, kabilang ang ilang senador, kongresista, contractor, at mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH).