Tutol ang isang doktor sa panukala ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH) na huwag isali sa Zero Balance Billing ang mga tinaguriang “kamote riders” na masasangkot sa aksidente.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Melanio Lazaro, sinabi niya na hindi makatarungan na ipagkait sa isang Pilipino ang serbisyong nararapat para sa kanila dahil lamang sa paglabag sa batas-trapiko.
Ayon sa kanya, ang aksidente ay hindi inaasahan at nangyayari sa hindi inaasahang pagkakataon. Anumang pinsalang matamo ng isang “kamote rider” ay dapat na magsilbing sapat na aral para sa kanya, at hindi na dapat pang dagdagan ang kanilang pasanin sa pamamagitan ng hindi pagbibigay ng Zero Balance Billing.
Dagdag pa ni Dr. Lazaro, kahit tinuturing na “kamote rider,” sila ay nagbabayad pa rin ng buwis kaya nararapat lamang na matanggap din nila ang parehong pribilehiyo na ipinagkakaloob ng pamahalaan para sa maayos na serbisyong medikal.
Aniya, hindi rin makatuwirang gawing batayan ng DOH ang tumataas na bilang ng mga nasasawi dahil sa mga “kamote rider” sa kalsada. Paliwanag niya, ang tanging magagawa ng DOH ay agapan at tugunan ang mga aksidente, subalit wala itong kakayahan na pigilan ang kamatayan ng isang indibidwal.











