Makakatanggap ng hanggang 200% o dobleng sahod ang mga empleyado sa pribadong sektor na magtatrabaho sa Disyembre 25, Araw ng Pasko, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Ayon sa Labor Advisory No. 17 na nilagdaan ni DOLE Secretary Bienvenido Laguesma, ang mga empleyadong papasok sa trabaho sa isang regular holiday ay may karapatang tumanggap ng dobleng bayad para sa unang walong oras ng kanilang trabaho.
Ipinaliwanag pa ng DOLE na kung lalagpas sa walong oras ang oras ng trabaho, may karagdagang 30% ng hourly rate ang manggagawa. Kung ang Araw ng Pasko ay tumapat sa rest day ng empleyado, may karagdagang 30% pa sa 200% basic wage. Mas tataas pa ang matatanggap na sahod kung may overtime sa ganitong pagkakataon.
Samantala, ang mga empleyadong hindi papasok sa trabaho sa Disyembre 25 ay tatanggap pa rin ng 100% ng kanilang sahod, hangga’t sila ay pumasok o naka-file ng bayad na leave sa araw bago ang holiday.
Ang Disyembre 25 ay idinedeklarang regular holiday taun-taon upang bigyang-daan ang mga Pilipino na ipagdiwang ang kapanganakan ni Hesukristo kasama ang kanilang pamilya at mga mahal sa buhay.











