CAUAYAN CITY – Wala pang natatanggap na pormal na komunikasyon ang Department of Labor and Employment o DOLE mula sa Trade Union Congress of the Philippines o TUCP tungkol sa kumakalat na balitang may mga empleyadong hindi sinasahuran ng kanilang kompanya o employer dahil hindi pa sila nabakunahan kontra Covid 19.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Labor Secretary Sylvestre Bello III, sinabi niya na kahit wala pang pormal na komunikasyon o reklamo ang TUCP sa tanggapan ng DOLE ay nakahanda silang magsagawa ng inspeksyon o imbestigasyon dahil ito ay labag sa batas o sa Labor Code of the Philippines.
Aniya hindi pwedeng I-withhold ang sahod ng isang manggagawa maliban na lamang kung may legal na dahilan.
Sakali man aniyang may ganitong nangyayari ay kailangang maiparating sa tanggapan ng DOLE at malaman kung anong employer o kompanya ang nagsasagawa nito upang mainspeksyon at mabigyan ng compliance order.
Umaasa naman ang kalihim na makikipag ugnayan ang TUCP sa DOLE dahil sa mga balita ng media lamang umano niya nalaman ang nasabing reklamo.
Ayon pa kay Kalihim Bello hindi maaaring pilitin ang isang tao o empleyado na magpabakuna kung ayaw naman ng mga ito lalo pa at nasa demokrating bansa maliban na lamang kung may batas nang nagsasaad na compulsary na ang pagpapabakuna.











