Matagumpay na nailunsad ng Department of Labor and employment o DOLE Isabela ang P20 Benteng Bigas Meron Na (BBM) program para sa mga minimum wage earners sa Lalawigan ng Isabela na ginanap sa Santiago City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Director Reginald Estioco ng DOLE Isabela, sinabi niya na malaking tulong para sa mga manggagawa sa pribadong sektor na kabilang sa minimum wage earners lalo na kung masusustain ito hanggang sa 2028.
Kabilang sa mga sektor na kwalipikado para sa programa o BBM program ay ang mga matatanda,may kapansanan, single mother at minimum wage earners.
Kung matatandaan, ngayong buwan ay nagkaroon ng MOA ang DOLE at DA para sa naturang programa na target ang mga manggagawa na kapos ang kita.
Unang isinagawa ang launching sa Tuguegarao City na sinundan ng Santiago City.
Puntirya nila ngayon na sa mga susunod na buwan ay makapagbigay din ng murang bigas para sa mga construction workers.
Ang sistema para sa distribusyon ng BBM program ay ang pagpapalista ng pribadong establishment sa DOLE na kanilang isusumite sa food terminal incorporated ng DA bago maglabas ng purchase order o purchase authority na nagpapahintulot sa pribadong establisimento na makapagrelease ng bigas mula sa NFA.
May dalawang option na pagrelease ng bigas kabilang ang advance payment at collection policy bago ang distribusyon.
Sa unang araw ng launching ay umabot sa higit dalawang daan ang nakinabang sa murang bigas.
May ibat ibang kompanya na ring nakausap ang DOLE na nais makiisa sa Benteng Bigas Meron na program para sa kanilang mga manggagawa.
Aniya tututukan ng DOLE ang roll out ng murang bigas para matiyak na ang mga ibinebentang bigas ay maganda ang kalidad.
May buwan buwan ding monitoring ang DOLE sa mga employers kaugnay sa pagbabayad o pagpapakaltas ng bayad sa pamamagitan ng salary deduction sa mga empleyadong kwalipikado.











