--Ads--

CAUAYAN CITY- Ipinauubaya ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang desisyon kung iaapela ang hatol na parusang kamatayan sa dalawang Pilipino sa United Arab Emirates (UAE) dahil sa illegal drugs.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Kalihim Bello na ipinabatid sa kanya ni Labor Attache Jobo Magsaysay ang sentensiyang kamatayan sa mga Pilipino na sina Jayvee Pamplona at Ricardo Santos na inaresto dahil sa pag-iingat at pagbebenta ng illegal na droga.

Ayon sa Abu Dhabi Judicial Department, ang dalawa ay miyembro umano ng Drug Organized Overseas Criminal Group.

Sinabi ni Kalihim Bello na hindi pa niya matiyak kung iaapela ang hatol sa dalawang Pilipino dahil illegal drugs ang kanilang kaso at galit dito si Pangulong Rodrigo Duterte.

--Ads--

Ang isa pang problema ay hindi dumaan ang dalawa sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) dahil wala silang Overseas Employment Contract OEC) at walang agency na nagpadala sa kanila sa UAE.

Gayunman, kahit hinatulan na ang dalawa ay may proseso na puwede silang mag-apela sa hatol sa kanila at dito maaaring magbigay ng legal assistance ang Assistance to Nationals (ATN) ng DFA.

Sinabi pa ni Kalihim Bello na naipabatid na sa pamilya ng dalawang Pinoy ang hatol na kamatayan sa kanila.

Ang pahayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III