--Ads--

Pinaalalahanan ng Department of Labor and Employment Region 2 ang lahat ng pribadong employer na ibigay ang 13th month pay sa kanilang mga empleyado hindi lalampas sa Disyembre 24 upang matiyak ang masayang pasko ng mga manggagawa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Jesus Elpidio Atal, Jr. ng DOLE Region 2, mahigpit nilang mino-monitor ang pagbibigay ng 13th month pay sa pamamagitan ng regular labor inspections upang matiyak ang pagsunod ng mga establisyemento sa labor standards.

Kung sakaling hindi ito maibigay hanggang December 24, maaari umanong report ng mga mangagagawa ang kanilang employer sa DOLE. Batay sa Labor Advisory No. 16, inaatasan ang mga employer na magsumite ng ulat ng kanilang compliance hindi lalampas sa Enero 15, 2026.

May mga naitala rin umanong kaso ng hindi pababayad ng 13th month pay na natuklasan sa regular inspections. Sa ganitong sitwasyon, inuutusan ng DOLE ang employer na magbayad, dahil ito ay labag sa labor standards.

--Ads--

Kapag hindi pa rin nagbayad ang employer matapos ang 20 araw mula sa inspeksiyon, maaaring mauwi ito sa pormal na kaso. Maglalabas ang Regional Director ng Order of Compliance, at kapag ito ay naging final and executory at hindi pa rin nasunod, mag-iisyu ng writ of execution. Sa pamamagitan nito, maaaring magpatupad ang sheriff ng attachment ng ari-arian o garnishment ng bank accounts ng employer upang mabayaran ang mga manggagawa.

Samantala, nilinaw rin ng DOLE na kahit ang mga nag-resign na empleyado ay entitled pa rin sa 13th month pay, batay sa panahong kanilang pinasukan.

Pinapaalalahanan ng DOLE Region 2 ang lahat ng employer na sumunod sa umiiral na labor advisory upang masiguro ang maayos, masaya, at merry ang pagdiriwang ng pasko ng lahat ng manggagawang Pilipino.