--Ads--

Ipinaalala ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa lahat ng employers ang tamang pasahod sa regular at special non-working hplidays ngayong buwan ng Abril.

Ito ay alinsunod sa inilabas na advisory ng ahensiya para sa Huwebes Santo, Abril 2, Biyernes Santo, Abril 3, at Araw ng Kagitingan sa Abril 9, na lahat ay idineklara bilang regular holidays gayundin ang Sabado de Gloria o Black Saturday sa Abril 4, na idineklara bilang special non-working holiday.

Binigyang-diin ng DOLE na dapat sundin ng mga employer ang mga panuntunan sa pasahod sa regular holidays, kung saan ang mga empleyadong papasok sa araw na ito ay dapat makatanggap ng double pay para sa unang walong oras, sa kondisyong pumasok o naka-leave of absence with pay isang araw bago ang regular holiday.

Kwalipikado ring makatanggap ang empleyado na hindi pumasok sa mismong regular holiday, sa kondisyong pumasok o naka-leave of absence with pay isang araw bago ang holiday.

--Ads--


Dapat namang makatanggap sa dagdag na 30% ng orasang sahod kapag overtime o nagtrabaho ang empleyado ng higit sa walong oras sa regular holiday.

Kapag nataon namang rest day at pumasok sa regular holiday, dapat makatanggap ng dagdag na 30% ng basic wage ng double pay. Kapag lumagpas naman ng walong oras na nagtrabaho sa mismong rest day sa regular holiday, dapat na makatanggap ng dagdag na 30% ng orasang sahod.

Para naman sa special non-working holiday, ipatutupad ang “no work, no pay” kapag ang empleyado ay hindi nagtrabaho sa araw na ito, maliban na lamang kung may bagong company policy o collective bargaining agreement na magbibigay ng special pay.

Ang mga empleyado naman na magtratrabaho sa araw na ito ay dapat makatanggap ng dagdag na 30% ng basic wage sa unang walong oras at kung lagpas sa walong oras, dapat makatanggap ng dagdag na 30% ng orasang sahod.

Kapag nataon na rest day at pumasok sa special non-working holiday, dapat na mabayaran ng dagdag na 50% ng basic wage sa unang walong oras ng trabaho habang dagdag na 30% ng orasang sahod ang dapat na matanggap kapag overtime.