
CAUAYAN CITY – Malinaw sa labor advisory number 3 na ipinalabas ni Kalihim Silvestre Bello III ng Department of Labor and Employmet (DOLE) na illegal ang No Work No Vaccine Policy.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Regional Information Officer Chester Trinidad ng DOLE region 2 na nakasaad sa labor advisory na hindi mandatory ang pagpapabakuna ngunit kailangang himukin ng mga employer ang kanilang mga kawani na magpabakuna para sa kanilang proteksiyon laban sa COVID-19.
Gayunman, ang pagpapabakuna o hindi ay hindi dapat maging batayan sa pagbabayad ng sahod at iba pang insentibo na may kaugnayan sa trabaho ng isang empleado.
Sinabi pa ni Ginoong Trinidad na nakasaad din sa Labor Code of the Philippines na may freedom of choice at kung hindi magpapabakuna ang isang kawani ay hindi dapat makaranas ng diskriminasyon.
Nakasaad din aniya sa Article 116 ng Labor Code na ang mga employer ay hindi dapat iniipit ang sahod ng kawani sa pamamagitan ng intimidation, pananakot at iba pang paraan.
Anya, nasa section 12 ng Republic Act 11525 o An Act Establishing the COVID-19 Vaccination Program na hindi puwedeng basehan ang pagpapabakuna bilang requirement sa pagkatanggap sa trabaho.
Ayon kay Ginoong Trinidad, kung may natanggap silang reklamo mula sa isang empleado ng estabilisimiento o pribadong kompanya ay magpapalabas ng compliance order ang DOLE sa employer para ibigay sa kawani ang hindi ibinigay na sahod dahil sa hindi pagpapabakuna.




