
CAUAYAN CITY – Puntirya ng DOLE Region 2 na magsagawa ng Labor Inspection sa 4,500 establishments sa buong rehiyon dos at ang pinakamarami ay dito sa Isabela at sa Cagayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginoong Chester Trinidad, tagapagsalita ng DOLE region 2 na batay sa naging kautusan ni Labor Secretary Silvestre Bello III ay sinimulan muli ng mga inspector ang kanilang Labor Inspection matapos matigil noong buwan ng Disyembre.
Pangunahing susuriin ng mga labor inspectors ang mga safety and health standards ng mga establisyemento.
Sinabi ni Ginoong Trinidad na tutugunan din nila ang mga reklamo ng mga manggagawa kaugnay sa kanilang seguridad.
Ang kanilang labor Inspection na isinasagawa ay magtatagal hanggang Disyembre 2022 maliban na lamang kung ito ay ipag-utos na itigil.
Dito sa Lunsod ng Cauayan ay sinimulan na ng kanilang labor inspectors ang tatlong araw na labor inspections sa mga tanggapan at mga establisyemento.
Nagkaroon din sila ng strategic planning sa ginagawang inspections ng mga labor inspector ng DOLE region 2.
Noong nakaraang taon ay umabot sa 4,584 establishments ang sumailalim sa labor inspection at umaasa silang mahihigitan pa nila ito ngayon.
Titiyakin din nila sa kanilang routine inspections ang tamang pasahod sa mga manggagawa.










