--Ads--

CAUAYAN CITY – Tumatanggap na ang DOLE Region 2 ng online application para sa financial assistance ng mga empleado na apektado ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gerry Nicolas, Senior Labor and Employment Officer ng DOLE Region 2, sinabi niya na nagsimula na rin silang tumanggap ng mga aplikasyon sa COVID-19 Adjustment Measures Program o DOLE-CAMP sa pamamagitan ng online dahil bukod na ito ay mas madali, maiiwasan din ang pagdagsa ng mga tao sa kanilang tanggapan.

Sa mga gustong mag-apply ay kailangan lamang nilang i-access ang link na kanilang ibinibigay sa mga employer at doon nila makikita ang mga requirements at kapag maghahain na sila ay mayroon din silang online submission.

Hinikayat ni Ginoong Nicolas ang mga employer na sila na lamang ang maghain ng aplikasyon ng kanilang mga empleado para isahan na lamang.

--Ads--

Bukod dito ay may patunay din na ang empleado ay kasalukuyang nagtatrabaho sa kanilang establisyemento.

Layunin ng programang ito na mabigyan ng tulong ang mga empleado na hindi kayang bayaran ng mga employer nila dahil sa umiiral na ECQ.

Nilinaw ni Nicolas na kapag na-terminate na ang isang empleado at wala ng nagpapasahod sa kanya ay hindi na siya kuwalipikado sa programa.

Sa programa naman nilang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers Barangay Ko, Bahay Ko na para sa mga nasa informal sector ay mas pinagtutuunan nila ngayon ng pansin ang mga talagang nangangailangan o mga wala talagang inaasahan na pagkakakitaan sa panahon ng ECQ.

Tinig ni Gerry Nicolas, Senior Labor and Employment Officer ng DOLE Region 2.