--Ads--

CAUAYAN CITY – Ipinaliwanag ng DOST-Pagasa ang pagkakaiba ng Heavy Rainfall Warning na ginagamit na basehan sa automatic suspension of classes at Heavy Rainfall Outlook.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo  Cauayan kay Chief Meteorologist Ramil Tuppil ng DOST Pagasa, sinabi niya na ang Heavy Rainfall Warning ay ipinapalabas kung may mga mararanasang malalakas na ulan sa loob ng ilang oras.

Ito ay madalas na dulot ng mga rain-bearing weather system tulad ng Bagyo, Shearline, Northeast Monsoon, Low Pressure Area at iba pa.

Inilalabas ang Yellow Rainfall Warning kung maaaring makaranas ang isang lugar ng pag-ulan na loob ng isang oras at higit pa na may volume na 7.5mm hanggang 15mm.

--Ads--

Ipinapalabas naman ang Orange Warning kapag kinakailangan nang I-alerto ang publiko sa potential na panganib na dulot ng pag-ulan kagaya ng baha at pagguho ng lupa.

Sa ilalim ng Orange Warning ay kanselado na ang pasok ng mga mag-aaral sa mga apektadong lugar.

Asahan naman ang pagbaha  maging ang pagguho ng lupa kapag nakataas ang Red Warning dahil posibleng umabot sa mahigit 30mm ang rainfall volume sa loob lamang ng isang oras na maaaring magtuloy-tuloy hanggang sa susunod na mga dalawang oras.

Kinakailangan na rin ng preemptive evacuation sa mga nakatira sa low-lying areas. Kanselado na rin ang pasok ng mga mag-aaral kasabay ng nasabing babala.

Samantala, ang Heavy Rainfall Outlook ay ipinapalabas kapag may posibilidad na makaranas ng pag-ulan ang isang lugar sa loob ng 24 oras.

Kadalasang saklaw ng rainfall outlook ang lagay ng panahon sa loob ng tatlong araw.

Mayroon aniya itong tatlong color-coded heavy rainfall level na nakadepende sa lakas ng mga mararanasang pag-ulan.

Sa ilalim ng Yellow Warning ay makakaranas ang isang lugar ng pag-ulan at kung susumahin ang mga pag-ulan sa loob ng isang araw ay katumbas nito ang moderate to heavy rains habang ang katumbas naman ng Orange Warning ang heavy to intense rainfall at maaari namang makaranas ng intense to torrential rains kapag ang isang lugar ay nakasailalim sa Red Warning.

Nilinaw naman ni Chief Meteorologist Tuppil na tanging ang Heavy Rainfall Warning lamang ang tinutukoy ng DepEd na basehan ng suspensiyon of classes at hindi ang Heavy Rainfall Outlook.