CAUAYAN CITY – Pinabulaanan ng Philippine Athmospheric Geophysical Astronomical Services Administration o PAGASA ang ilang katha o paniniwala sa tuwing may magaganap na Planetary Alignment at Total Solar Eclipse.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mario Raymundo, Chief ng Astronomical Observation and Time Service Unit ng DOST-PAGASA sinabi niya na sa ikaapat ng Abril ay magaganap ang isang pambihirang natural o astronomical phenomenon at maghahanay ang mga planetang Mars, Saturn, Neptune at Venus na unang magpapakita sa eastern horizon dakong alas singko ng madaling araw.
Aniya, bagamat kamangha-mangha ay may scientific explanation sa naturang pangyayari.
Sa katunayan kung titingnan mula sa daigdig ay mukhang magkakalinya ang mga planeta subalit ang katotohanan ay magkakalayo ang mga ito at may isang pagkakataon na nagkakalapit o kung tawagin ay conjunction ang mga planeta sa kani-kanilang orbit.
Samantala, maliban sa planetary alignment ay may iba pang astronomical event gaya ng meteor showers ngayong buwan ng Abril na makikita naman sa gabi.
Samantala, nilinaw din ng PAGASA ang kumakalat na impormasyon kaugnay sa tatlong araw na kadiliman oras na maganap ang total lunar eclipse sa ikaapat ng Abril o pagdaan ng earth sa photon belt.
Ang Total Solar Eclipse ay magdudulot umano ng tatlong araw na kadiliman na hinango sa bibliya subalit pinabulaan ito ni Raymundo.
Aniya, ang Total solar eclipse ay makikita o mararanasan lamang sa North America at magsisimula ang eclipse sa America na tatawid naman sa Mexico at Canada.
Nagaganap ang Total Solar Eclipse kung ang buwan ay tumtakip sa araw at ang astronomical phenomenon na ito ay nagaganap makalipas ang higit tatlong daang taon.





