CAUAYAN CITY – Agad na nagsagawa ng monitoring ang Department of Tourism Region 2 sa mga hotels, resorts at recreation areas sa rehiyon matapos ang naging isyu ng isang resort sa Chocolate Hills sa Bohol.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Troy Alexander Miano, Regional Director ng Department of Tourism Region 2, sinabi niya na nang kumalat ang balita tungkol sa nasabing resort ay agad na nag-utos si DOT Secretary Christina Frasco ng pagsusuri sa mga protected areas sa bansa na may kahalintulad na sitwasyon.
Batay sa kanilang pagsusuri, malinis naman ang mga protected areas sa ikalawang rehiyon at wala silang nakitang kapabayaan.
Ang inaalam nila ngayon ay ang mga hindi accredited ng Department of Tourism at hindi dumaan sa tamang proseso.
Pangunahing protected area sa Region 2 ay ang Sierra Madre Mountain range, maging ang buong Batanes at pangunahin nilang minomonitor ang mainland at coastal areas.
Iginiit ni Dr. Miano na ang pagbabantay sa kalikasan ay joint effort at hindi lamang gawain ng Department of Environment and Natural Resources o ng Department of Tourism.
Kailangan aniya ng tulung-tulong na pagbabantay upang mapangalagaan ang kalikasan para matamasa rin ng susunod na henerasyon ang kagandahan nito.
Tinig ni Dr. Troy Alexander Miano.