CAUAYAN CITY – Gumagawa na ng mga hakbang ang Public Order and Safety Division para masolusyunan ang problemang double parking ng mga delivery trucks sa pribadong pamilihan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Public Order and Safety Division chief Pilarito Mallillin na pinag-iisipan nila ngayon na magkaroon ng night shift sa kanilang mga kasapi para mabantayan ang mga nagdadala ng kanilang produkto sa pribadong pamilihan kapag madaling araw.
Aniya, operational period ng Public Order and Safety Division ay mula alas-6 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi kaya hindi na nila namomonitor ang palengke tuwing madaling araw.
Ayon sa kanya, may mga signages naman sa pamilihan pero dahil sa iba’t ibang dayuhan ang nagdadala ng kanilang produkto sa lungsod ng Cauayan ay kung saan-saan na nagpaparada.
Dapat aniya itong ayusin para walang double parking.
May mga itinalaga naman aniyang parking areas malapit sa pribadong pamilihan at kailangan lamang nilang magbayad ng kaunting halaga.
Samantala, nanawagan din si Public Order and Safety Division chief Mallillin sa mga may pwesto sa pribadong pamilihan na ilabas ng maaga ang kanilang mga basura para makuha ng mga naghahakot ng basura.
Kaugnay nito ay magkakaroon aniya ng seminar ang City Environment and Natural Resources Office kaugnay sa pagbabawal na ng paggamit ng mga plastic na nagiging sanhi ng pagbara sa mga kanal.