Ibinunyag ni Sen. Raffy Tulfo na pagmamay-ari umano ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Mimaropa Director Gerard Pacanan ang isang kumpanyang sangkot sa pagkontrol ng mga flood control project sa kanyang nasasakupan.
Ito ay isinawalat ni Tulfo kasabay ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ngayong Martes, ika-19 ng Agosto kaugnay ng imbestigayon sa mga umano’y maanumalyang flood control project.
Ayon sa Senador, “kinakatay” at “niluluto” na tila “karneng baka” ang pondo para sa mga naturang proyekto.
Ang kumpanyang pagmamay-ari ni Pacanan ay kumikita umano ng 60% mula sa mga proyektong pinopondohan ng gobyerno.
“Anong mangyayari do’n sa P10 billion na natitira, syempre kukunin po ‘yan ni Mr. Pacanan. At ‘yung P5 billion, si Mr. Pacanan na lang po ang gagawa ng project dahil meron din po siyang sariling kompanya na nangongontrata… Sa P5 billion niya, magbibigay siya ng 28% SOP sa mga proponent,” ani Tulfo.
Dagdag pa ni Tulfo, pinepeke rin umano ni Pacanan ang mga accomplishment report kahit hindi pa tapos ang mga ginagawa nitong proyekto.











