May paalala ang Department of Public Order and Safety o DPOS Santiago sa mga motorista maging sa mga nag-aalaga ng hayop para hindi na nasundan pa ang isang fatal accident na kinasangkutan ang isang Single Motorcycle na nabangga ang tumatawid na baka.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay DPOS Chief Edwin Cabanos III sinabi niya na batay sa ulat nag overtake ang motorsiklo sa isang sasakyan subalit hindi nito napansin ang tumawid na baka.
Dahil sa lakas ng impak ay nasawi ang misis ng rider na walang suot ng helmet dahil sa natamong malubhang sugat sa ulo ng maganap ang aksidente gayundin ang nabangga nilang baka.
Paalala ni DPOS chief Cabanos na napakahalaga ng pagsusuot ng helmet lalo kung bumabagtas sa mga pambansang kalsada.
Aniya sa Lunsod palamng ng Santiago ay napaka rami nang mga pasaway na motorsitang hindi nag susuot ng helmet na kadalasang mga dayo o hindi naman residente sa Lunsod.
Maliban sa mga motorista ay nagpaalala din sila sa mga nag aalaga ng hayop na ugaliing tignan kung maayos bang naipastol ang kanilang mga alaga gaya ng baka at kalabaw dahil sa umiiral na anti-stray animal ordinance.
Batay sa ordinansa ang sinumang may-ari ng hayop ay may pananagutan sa mga biktima ng aksidente na ang layunin ay mapanatiling ligtas ang mga lansangan.
Sa katunayan may ipinapataw na penalty ang bawat Barangay sa Lunsod kaugnay sa umiiral na ordinansa.
Matatandaan na nasawi ang isang ginang habang malubhang nasugatan ang isang rider matapos na bumangga sa galang baka ang kanilang motorsiklo.
Nakilala ang tsuper ng motorsiklo na si Mark Christopher Pangilinan, 28 years old, habang angkas nito ang kanyang misis na si Claire Anne, 27 years old, at kapwa residente ng Victory Norte, Santiago City.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Santiago City Police Office – Traffic Enforcement Unit, lumalabas sa pagsisiyasat ng pulisya na binabaybay ng mga biktima ang nasabing lansangan pasado alas sais kagabi patungong Barangay Sinsayon.
Nang makarating sa pinangyarihan ng aksidente ay mag-oover take sana ang motorsiklo ng mga biktima sa sinusundan nilang sasakyan nang mabangga nila ang baka na tumawid sa kalsada.
Dahil dito ay nawalan ng kontrol ang tsuper at natumba ang sinasakyan nilang motorsiklo. Nagtamo ng malalang sugat ang mga sakay ng motorsiklo na agad namang dinala sa Southern Isabela Medical Center para malapatan ng lunas.
Gayunman, binawian din ng buhay ang angkas ng motorsiklo na si Claire Ann.