Inimbitahan ng Kamara ang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at 15 kontratistang binanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nakakuha umano ng 20% ng 10,000 flood control projects simula 2022, sa pagdinig na gaganapin sa Martes, Setyembre 2.
Ayon kay Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon, pinadalhan din ng subpoena ang SYMS Construction Trading, ang kumpanyang nasasangkot umano sa mga “ghost” flood projects sa Baliwag, Bulacan.
Kasama rin sa ipatatawag ang Government Procurement Policy Board (GPBB) at Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) upang magpaliwanag sa umano’y accreditation-for-sale. Hihingan din ng paliwanag ang BIR at COA kaugnay ng proseso ng procurement at alokasyon ng pondo.
Sisiyasatin ng Kamara ang mga pondong nakalaan sa mga natapos nang proyekto na isinama pa rin sa panukalang ₱6.793 trilyong 2026 national budget, kabilang na ang flood control program sa Marikina City.
Nitong Biyernes, ibinunyag ni Deputy Speaker Ronaldo Puno na may mga proyektong matagal nang natapos subalit muling pinondohan sa ilalim ng panukalang badyet para sa DPWH.











