Arestado ang isang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) matapos mahuli sa entrapment operation dahil sa umano’y tangkang panunuhol kay Batangas 1st District Representative Leandro Leviste.
Batay sa ulat ng mga otoridad, nangyari ang operasyon pasado alas-5 ng hapon nitong Biyernes, Agosto 22, sa opisina ng kongresista sa Poblacion, Zone 12, Taal.
Ayon sa imbestigasyon, iniabot umano ng 51-anyos na district engineer ang isang eco bag na may lamang humigit-kumulang ₱3.1 milyon bilang kapalit ng hindi pagkakasama ng kanyang pangalan sa isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng flood control project sa distrito.
Matapos ang aktong ito, agad na inaresto ang nasabing opisyal. Siya ay kasalukuyang nakapiit sa Taal Municipal Police Station habang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa kanya.
Sa Martes, haharapin niya ang reklamong Corruption of Public Officials sa ilalim ng Article 212 ng Revised Penal Code at paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Samantala, tiniyak ni Cong. Leviste na ipagpapatuloy ang imbestigasyon sa mga proyekto ng flood control upang matiyak na hindi mababahiran ng katiwalian ang mga programa sa kanyang distrito.











