--Ads--

Nanawagan si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na buwagin na ang mga district engineering office ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at palitan ito ng mas malalaking regional offices upang mapigilan umano ang labis na panghihimasok ng mga pulitiko sa mga proyektong pang-imprastruktura ng pamahalaan.

Ayon kay Sotto, matagal nang ginagamit ng ilang mambabatas ang mga district office upang impluwensiyahan ang alokasyon ng pondo para sa public works sa kanilang nasasakupan.

Binigyang diin ni Sotto na mas malalaki ang regional offices kaya’t hindi ito madaling kontrolin ng mga lokal na opisyal o kongresista. Aniya kapag district office, may boses ang district congressman. Pero kung regional, sa mas mataas na awtoridad sila kailangang sumagot

Sa gitna ng panawagan ng ilang sektor na buwagin na ang buong DPWH, iginiit ni Sotto na dapat pag-aralang mabuti ang anumang restructuring na gagawin sa ahensya, lalo na kung mangangailangan ito ng bagong batas o maaaring ipatupad sa pamamagitan lamang ng isang executive order mula sa Malacañang.

--Ads--

Bukod dito, nanawagan din ang Senate President ng pananagutan kaugnay sa isinasagawang pagsusuri sa Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB). Aniya, handa na ang Senado na isumite ang kanilang mga natuklasan sa Office of the Ombudsman at Department of Justice, kaagapay ang House of Representatives.

Binigyang-diin ni Sotto na hindi na mauulit sa 2026 budget ang mga iregularidad na nakita sa 2025 national budget.

Kumpirmado rin umano ni Sotto na mayroong “insertions” o mga iligal na dagdag sa pondo sa ilalim ng 2025 budget.

Tinukoy din ni Sotto ang kontrobersyal na flood control project sa Bulacan bilang panimulang punto lamang ng mas malawak na imbestigasyon na sasaklaw sa mga proyektong may iregularidad sa Bicol, Visayas at Mindanao.