--Ads--

Inihayag ng Department of Public Works and Highways-Isabela 2nd District Engineering Office na sapat ang mga nailagay na early warning device sa mga kasalukuyang kinukumpuning lansangan sa kanilang nasasakupan.

Ito ay pahayag ng tanggapan matapos ang ilang aksidente sa lansangan pangunahin na ang naganap na aksidente sa Mambabanga Luna, Isabela kung saan ang itinuturong sanhi ay ang hindi makitang signages.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Elmo Mansibang, Public Information Officer ng DPWH Isabela 2nd District Engineering Office sinabi niya na nagdagdag pa nga sila ng panibagong signages sa mga ongoing road constructions sa kanilang nasasakupan.

Bawat proyekto aniya ng DPWH ay may koordinasyon sa bawat contractor para sa mga ilalagay na barikada at signages upang maiwasan ang mga aksidente.

--Ads--

Unang inihayag ng Philippine National Police o PNP Luna na may nailagay namang early warning device ngunit hindi sapat dahil kailangang mayroon nang warning device 500 meters bago ang construction site.

Ayon kay Information Officer Mansibang, lagi nang may nagaganap na aksidente sa nasabing lansangan dahil sa maganda at diretsong kalsada kaya iginiit niya na nasa mga motorista rin ang problema na nagpapakampante at hindi tumitingin sa mga traffic signs kapag nagmamaneho.

Pinaalalahanan naman niya ang mga motorista na maging alerto sa pagmamaneho at huwag nang magpatakbo ng mabilis kung hindi kabisado ang kalsadang dinadaanan.

Iwasan din ang pag-inom ng alak kung kailangang magmaneho ng sasakyan upang makaiwas sa aksidente.

Aniya ang nasabing proyekto ay inaasahang matatapos sa buwan ng Enero sa susunod na taon.