Ipinagbawal ng Department of Public Works and Highways o DPWH ang lahat ng personal na biyahe sa ibang bansa ng kanilang mga opisyal at empleyado hanggang Nobyembre, maliban na lamang kung ito ay para sa agarang gamutan, ayon sa inilabas na memorandum ng ahensya nitong Biyernes.
Ang kautusang ay nilagdaan ni Public Works Secretary Manuel Bonoan ay inilabas nitong Biyernes dalawang araw matapos ipag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagsasagawa ng lifestyle check sa lahat ng opisyal ng ehekutibo na sisimulan sa DPWH dahil sa tumitinding pagsisiyasat sa mga proyekto ng flood control.
Ayon sa memo suspendido muna ang lahat ng aplikasyon para sa Authority to Travel Abroad para sa personal na dahilan.
Tanging ang paglalakbay na may kinalaman sa agarang medikal na pangangailangan ang papayagang aprubahan.
Epektibo agad ang kautusan hanggang sa katapusan ng Nobyembre 2025 maliban kung maagang alisin o palawigin ang nasabing suspensyon.
Ipinaliwanag ni Bonoan na ito ay alinsunod sa Omnibus Rules on Leave ng Civil Service Commission kung saan nakasaan na ang personal na biyahe ng mga kawani ng gobyerno ay discretionary at hindi awtomatiko.
Dagdag pa nito na may kapangyarihan ang bawat ahensya na magtakda ng regulasyon kaugnay sa foreign travels ng kanilang mga empleyado.
Batay naman sa 1987 Constitution ang karapatang maglakbay ay hindi maaaring hadlangan maliban kung ito ay para sa pambansang seguridad, kaligtasan ng publiko, o pampublikong kalusugan.











