CAUAYAN CITY – Patuloy ang clearing operation ng Department of Public Woks and Highways (DPWH) region 2 sa mga daan at tulay sa Lambak ng Cagayan bago sila magkaroon ng pagtaya sa pinsalang iniwan ng bagyong Tisoy at amihan
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginoong Wilson Valdez, spokesman ng DPWH region 2 na batay sa kanilang monitoring kaninang umaga sa Isabela ay hindi pa rin madaanan ang Cabagan-Santa Maria overflow bridge at Abuan bridge.
Mayroon ding bahagi ng national road ng Ilagan-Delfin Albano-Mallig road ang hindi pa madaanan dahil sa baha.
Sa lalawigan naman ng Cagayan pangunahin na sa bayan ng Baggao ay may tatlong tulay na hindi na madaanan at mayroong ding daan na nagkaroon ng pagguho ng lupa.
Sa Tuguegarao City diversion road 2 ay hindi na madaanan dulot ng pagbaha habang ang Itawes Bridge sa boundary ng Isabela at Cagayan ay bumaba na ang antas ng tubig at maaari nang daanan.
Mayroon ding section sa Gattaran, Santa Praxedes, Amulong at Enrile, Cagayan ang maari nang daanan.
Nagkaroon din ng pagguho ng lupa sa isang daan sa Claveria, Cagayan na hanggang ngayon ay inaayos pa ng DPWH.
Samantala, sinusuri na rin ang kalagayan ng Bunton Bridge na ngayon ay paunti unti nang bumababa ang antas ng tubig sa ilog Cagayan.
Nilinaw pa ni Ginoong Valdez na fake news ang ipinakalat na pag-apaw ng tubig sa Bunton Bridge dahil kapag nangyari ito ay buong lunsod ng Tuguegarao Ang mababaha…







