--Ads--

Personal na nagtungo si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon sa Cabagan–Sta. Maria Bridge kasama sina Isabela Governor Rodolfo “Rodito” Albano III at Congressman Tonipet Albano upang inspeksyunin ang nasirang tulay at planuhin ang agarang pagsasaayos nito.

Sa isinagawang inspeksyon, masusing sinuri ni Secretary Dizon ang kalagayan ng tulay at inatasan ang engineer in charge na pabilisin at unahin ang pagkukumpuni upang agad na maibalik ang maayos na daloy ng transportasyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Governor Rodolfo “Rodito” Albano III ng Probinsya ng Isabela, aalisin ang nasirang bahagi ng tulay at lalagyan ito ng bakal bago patibayin ang istruktura. Palalakasin din ang ilalim at mga gilid ng tulay, habang papanatilihin ang arko nito upang maaari pang lagyan ng ilaw sa hinaharap. Maghihigpit din sa pagbabantay ang awtoridad para masigurong light vehicles lamang ang dadaan dito.

Tiniyak din ni Dizon sa mga residente na magiging prayoridad ang proyekto at target na matapos ito sa loob ng dalawang buwan o bago ang kaarawan ni Governor Albano. Nakatakdang simulan ang pagbabakbak at aktuwal na konstruksyon pagkatapos ng pasko, at tiniyak ng ahensya na bibilisan ang kanilang trabaho.

--Ads--

Ayon sa impormasyon, tumagal ang pagsasaayos ng tulay dahil inaayos pa ang pondong gagamitin. Bagama’t wala pang ibinibigay na eksaktong halaga, ito ay tinatayang aabutin ng 600 million.

Samantala, ipinahayag ni Governor Albano ang kanyang kasiyahan dahil maraming motorista ang naapektuhan sa pagkaantala ng biyahe. Humihingi rin ng paumanhin ang pamahalaan at nananawagan ng kaunting pagtitiyaga habang isinasagawa ang pagsasa ayos.