Ipinag-utos ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang agarang suspensyon sa lahat ng road reblocking activities sa buong bansa, kasunod ng mga ulat ng posibleng katiwalian sa pagpapatupad ng mga naturang proyekto.
Sa isang press conference nitong Biyernes, inihayag ni DPWH Secretary Vince Dizon na maglalabas siya ng isang bagong department order na magtatakda ng mas mahigpit na patakaran at safeguards laban sa korapsyon.
Tinuligsa rin ng kalihim ang umano’y paulit-ulit na pagsira at pagkukumpuni ng mga kalsadang tila wala namang sira, na aniya’y ginagawa upang pagkakitaan lamang.
Aniya, ang DPWH binabakbak ang mga kalye kahit maayos pa para lang gawin ulit kung kaya’t naniniwala siya na pinagkakakitaan lang ang proyekto.
Nilinaw ni Dizon na hindi kasama sa suspensyon ang mga maintenance works para sa mga tunay na nasirang kalsada.
Binanggit ni Dizon na dalawang kaso ng kahina-hinalang road reblocking ang iniulat sa Bocaue, Bulacan at Tuguegarao City, Cagayan, dahilan upang kanyang paigtingin ang hakbang laban sa ganitong uri ng katiwalian.
Bilang bahagi ng reporma, sinabi ni Dizon na ang bagong kautusan ay maglalaman ng mga panuntunang magpapalakas sa transparency at pananagutan sa implementasyon ng mga proyektong reblocking.
Hinimok ni Dizon ang publiko na i-report ang anumang reblocking activities na nagpapatuloy kahit umiiral na ang suspensyon. Aniya, mahaharap sa suspensyon ang sinumang district engineer na lalabag sa naturang utos.
Binigyang diin ng Kalihim na ang hakbang na ito ay naglalayong ibalik ang tiwala ng taumbayan sa mga proyektong imprastruktura ng pamahalaan.
Sa ngayon, inaasahan ang agarang pagpapatigil sa mga road reblocking activities habang hindi pa nailalabas ang bagong alituntunin ng kagawaran.











