--Ads--

Tiniyak ni Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon na gagamitin sa malinis at wastong paraan ang P529.6 bilyong budget ng DPWH para sa 2026 na inaprubahan ng Bicameral Conference Committee.

Bagama’t mas mababa ito sa orihinal na panukalang P881 bilyon, iginiit ni Dizon na mas mahalaga ang tamang paggamit ng pondo kaysa sa laki nito.

Pahayag ni Dizon, ang importante sa budget ay malinis siya at ma-implement nang tama.

Ayon pa sa kalihim, ang masama ay hindi ang budget kundi ang mga proyektong nagiging ghost o substandard dahil sa katiwalian. Tiniyak niyang mapupunta ang pondo sa mga tamang proyekto na makatutulong sa mamamayan.

Ang bawas sa budget ay bunsod ng masusing pagsusuri sa mahigit sampung libong proyekto gamit ang updated construction materials price data. Ilan sa natipid na pondo ay inilipat sa PhilHealth at sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund.

Nagpasalamat naman si Dizon sa Senado at Kamara at sinabing ia-upload sa transparency portal ang mga detalye ng proyekto upang masiguro ang pananagutan ng ahensya.