--Ads--

Kinumpirma ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na walang nakalaang pondo para sa mga bagong flood-control projects sa proposed 2026 national budget, at nilinaw na ang mahigit P2.49 bilyon ay para lamang sa maintenance ng flood-mitigation programs.

Sa isang pahayag noong Biyernes, sinabi ng DPWH na ang naturang halaga ay para sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng mga kasalukuyang flood-control projects, taliwas sa mga ulat na nagmumungkahing may bagong proyekto itong popondohan.

Ayon sa ahensya, gagamitin ang pondo para sa mga programa tulad ng Oplan Kontra Baha, kabilang ang declogging, desilting, dredging, repair, at clearing operations upang matiyak ang maayos na daloy ng mga daluyan ng tubig at drainage systems sa buong bansa.

Binigyang-diin ng DPWH na sinikap nilang i-maximize ang pondo para sa flood mitigation sa kabila ng fiscal constraints.

--Ads--

Noong nakaraang linggo, nilagdaan ng mga miyembro ng Senado at Kamara ang Bicameral Conference Committee report para sa proposed P6.7 trilyong 2026 national budget. Tiniyak naman ni Senate Finance Committee Chairman Sherwin Gatchalian na “pork-free” ang budget at inaasahang walang i-ve-veto si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Samantala, sinabi ng Malacañang na patuloy ang masusing review sa ratified 2026 General Appropriations Bill na inaasahang lalagdaan ng Pangulo sa susunod na linggo.