Pormal nang nanumpa bilang ika-pitong pangulo ng Isabela State University (ISU) si Dr. Boyet Batang nitong Enero 28, kasabay ng pagsuot sa kanya ng ISUGBIT, at pagpasa ng Presidential Medallion, President’s Ring, Gavel, at University Mace.
Ang seremonya ay pinangunahan ni Commission on Higher Education (CHED) Commissioner Myrna Q. Mallari.
Sa kanyang talumpati, ibinahagi ni President Batang ang kanyang bisyon para sa unibersidad sa pamamagitan ng SMART-Green Vision Plan 2026–2030, na layong higit pang paunlarin at pagandahin ang Isabela State University sa iba’t ibang aspeto.
Ayon sa kanya, kabilang sa pangunahing layunin ng plano ang pagpapatatag at pagpapahusay ng kalidad ng kurikulum ng mga programa ng unibersidad upang maging mas locally relevant at globally competitive. Binibigyang-diin din nito ang paglikha ng mas conducive at student-friendly na mga pasilidad upang mas mapabuti ang kapakanan at kapaligiran ng mga mag-aaral.
Dagdag pa rito, nais din ng bagong pangulo na makisabay at makilahok ang ISU sa pandaigdigang larangan ng edukasyon sa pamamagitan ng makabagong pananaliksik, teknolohiya, at napapanatiling mga programa.
Kasabay ng nasabing pagkilala, pormal ding binuksan ang bagong ISU-E Multipurpose Building at inilunsad ang bagong opisyal na university seal, na sumisimbolo sa panibagong yugto at direksyon ng pamumuno sa unibersidad.










