--Ads--

CAUAYAN CITY – Sang-ayon si Dr. Chester Cabalza, security and military diplomacy expert sa pagtalaga ni President-elect Bongbong Marcos kay dating UP Professor Clarita Carlos bilang kanyang National Security Adviser (NSA).

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr.  Cabalza na karapat-dapat si Dr. Carlos sa nasabing puwesto dahil sa kanyang strategic thinking at alam na alam niya ang mandato ng national security sapagkat naging pangulo siya ng National Defense College.

Malaking bagay aniya na makapagpayo si Dr. Carlos kay incoming President Bongbong Marcos ng  magandang istratehiya  sa relasyon ng bansa sa mga super powers na tulad ng Amerika at China.

Sinabi pa ni Dr. Cabalza na  malawak ang pag-aaral ni Dr. Carlos sa West Philippine Sea kaya tiyak na ibayong  isusulong niya ang interes ng Pilipinas.

--Ads--

Kailangan ang bagong istratehiya para mahimok ang China na kilalanin ang desisyon ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Kailangan ding maipagpatuloy ang magandang relasyon ng Pilipinas sa Estados Unidos sapagkat sa dalawang super power ay ang Amerika ang may malasakit sa Pilipinas kahit may mga pagkukulang.

Gusto naman aniya ng China na magpatuloy ang bilateral relations sa Pilipinas  ngunit hindi magtatagumpay ang nais na maging bilateral ang negosasyon sa isyu ng West Philippine Sea dahil ang maritime dispute  ay multi-lateral.

Ito ay dahil hindi lamang ang Pilipinas ang umaangkin sa bahagi ng teritoryo sa South China Sea kundi ang ibang kalapit na bansa tulad ng Malaysia at Vietnam.

Ayon kay Dr. Cabalza, dapat ding patuloy na palakasin ang modernisasyon ng  Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG) dahil malaking bagay ito sa external defense ng Pilipinas at para maipagmalaki na malakas ang hukbong sandatahan at hindi  minamaliit ng mga kalapit na bansa.

Layunin din nito na mapataas ang morale ng mga sundalo na kayang-kayang nilang ipagtanggol ang teritoryo at soberenya ng bansa.

Ang Malaysia aniya na nagpalakas ng puwersa ay hindi ginugulo ng China ngunit kinakaya ang Pilipinas dahil nakita na mahina ang puwersa.

Sinabi pa ni Dr. Cabalza na dapat may political will, may direksiyon at  may sinusunod na doctrine at istratehiya ang presidente na siyang commander-in-chief ng AFP  para maipagtanggol ang  territorial integrity at soberenya ng Pilipinas.