--Ads--

Itinuturing ng isang abogado na improper at invalid ang draft ng resolusyon na naglalayong ibasura ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte na ipinasa sa Senado.

Ayon kay Atty. Domingo Cayosa, dating presidente ng Integrated Bar of the Philippines at isang human rights lawyer, sinabi niya na sa impeachment trial sa senado ay hindi pwedeng I-abdicate ng mga senador ang kanilang tungkulin sa pamamagitan lamang ng isang resolusyon na nagdidismiss ng de facto sa complaint.

Base sa constitution, kailangang dinggin ang saloobin ng magkabilang panig upang malaman ng taumbayan ang totoong nangyari sa kaso.

Aniya hindi pa maaaring basahin ang draft sa plenaryo dahil wala pa itong pormal na may-akda. Kinakailangan din itong ihain ng isang senador at i-refer sa angkop na komite.

--Ads--

Kapag mayorya ng miyembro ng komite ang pumirma sa committee report, saka lamang ito maaaring isalang sa plenaryo para sa pinal na pag-apruba.

Aniya ang pahayag ni Sen. Bato Dela Rosa na may nilabag sa pagproseso ng impeachment case ay malinaw na contradictory sa una nilang hiling na gawin na lamang ang pagdinig pagkatapos ng halalan.

Ang kamalian ng kampo ni VP Sara sa pagpapaliban ng pagdinig ay siya ngayong ginagamit ng kampo para madismiss ang impeachment case.

Ayon kay Atty. Cayosa, kung alam ng defense team na sila ay nasa tama at sumunod sa rule of law ay dapat silang maging matapang na sagutin ang impeachment saan man ito makarating.

Ngunit sa ginagawa ngayon nina Sen. Bato Dela Rosa ay tila ipinapakita lamang nilang takot silang maisagawa ang impeachment trial at nais na itong idismiss bago pa masimulan ang hearing at ibasura na lamang ang kaso nang walang pagpapaliwanag.

Common sense aniya sa publiko na kung may matibay na ebidensyang pinanghahawakan ang defense team ay handa silang lumaban para sa kanilang panig.

Hindi rin aniya consistent si VP Sara sa pagsasabing handa silang harapin ang kaso dahil sa ginagawa ng kanyang mga abogado at kaalyadong senador na pinipigilan ang pagsisimula ng impeachment trial.