Muling nagsagawa ng pagpupulong si Mayor Sheena Tan-Dy matapos bahain ang ilang lugar sa Poblacion Area ng Santiago City bunsod ng malakas na pag-ulan kamakailan.
Sa isinagawang emergency meeting, lumabas na ilang drainage canal ang natukoy na barado. Gayunpaman, iginiit ng DPWH project engineer na nakatalaga sa drainage system sa paligid ng Santiago City Public Market na nalinis na ang mga ito matapos din ang pagbaha noong nakaraang linggo. Kung malinis na ang mga kanal, aniya, ay hindi na dapat muling bahain ang lugar dahil wala na ang mga bara at debris.
Ngunit batay sa ulat ng DPWH District Engineering Office, isa rin sa pangunahing dahilan ng pagbaha ay ang maliliit na drainage outlets na dapat paluwagin. Nilinaw naman ng Planning and Design Department ng DPWH na hindi pa kumpleto ang drainage system sa lugar dahil limitado ang pondo. Sa kasalukuyan, hindi pa kasama sa proyekto ang mga kanal na magdudugtong patungo sa Calao Bridge.
Sa kabuuang 1.4 kilometro ng proyekto, 1.2 kilometro pa lamang ang natatapos. Nang tanungin kung magkakaroon ng pagbabago kapag natapos ang natitirang 0.2 kilometro, walang maibigay na kongkretong sagot ang project engineer.
Matatandaang sa naunang pagpupulong ay lumabas na umano’y hindi angkop ang drainage canal sa flood control project sa paligid ng pamilihan. Ayon kay Mayor Tan-Dy, dating box culvert ang ginamit sa drainage canal, ngunit ito’y pinalitan ng high-density polyethylene (HDPE) pipes. Aniya, wala namang naging problema sa box culvert noon, ngunit kinailangang palitan dahil hindi magkakadugtong ang ibang drainage canals.
Ipinaliwanag ng project engineer na ginamit nila ang HDPE pipes na may diameter na dalawang metro batay sa kanilang pagsusuri sa volume ng tubig mula sa drainage area. Subalit kinuwestyon ang planong ito dahil hindi umano tumutugma sa aktwal na lawak ng lugar. Giit ng project engineer, 25 hectares ang kanilang naging basehan, samantalang lumalabas sa talaan ng Santiago City Engineering Office na umaabot sa 100 hectares ang kabuuang drainage area.
Ayon kay Engr. Benedict Panganiban ng City Engineering Office, dapat nasa 2.35 hanggang 2.5 metro ang diameter ng drainage upang kayanin ang volume ng tubig, subalit 2 metro lamang ang inilagay ng DPWH.











