CAUAYAN CITY– Namatay ang tsuper ng isang motorsiklo matapos masangkot sa banggaan sa national highway na nasasakupan ng Brgy Indiana, Bambang, Nueva Vizcaya.
Ang nasawi ay si Yvann Martin, 39 anyos, may asawa, tsuper ng single motorcycle at residente ng Pampang, Kayapa, Nueva Vizcaya habang ang tsuper ng Isuzu Van na nakabangga sa biktima ay si Israel Lee Bautista Nicolas, 40 anyos at residente ng Maynila.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, lumalabas sa imbestigasyon ng Bambang Police Station na nasa shoulder ng kalsada ang nasabing van at akmang mag U-turn subalit nabangga ito ng motorsiklo na patungong timog na direksyon.
Dahil dito ay nagtamo ng malalang sugat ang tsuper ng motorsiklo na dinala pa sa Provincial Hospital subalit idineklarang dead on arrival ng kanyang attending physician.
Nasa pangangalaga na ng Bambang Police Station ang mga sangkot na sasakyan at ang tsuper ng van na mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property.