--Ads--

Agad na ipinasuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng isang drayber ng puting Toyota Hilux matapos saktan ang isang ama na may kasamang anak na batang babae na nagtutulak ng kariton sa kalsada dahil umano sa pagkakasagi ng kanyang naturang sasakyan.

Makikita sa viral video na kumalat sa social media ang drayber na hinampas ang ama sa ulo, habang umiiyak ang menor de edad na anak nito dahil sa takot.

Mariing kinondena ni LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao ang insidente at tinukoy ang ganitong asal bilang hindi katanggap-tanggap.

Dahil dito, inatasan ni Lacanilao ang LTO-Intelligence and Investigation Division (IID) na mag-isyu ng Show Cause Order (SCO) at ipatupad ang 90-day preventive suspension sa driver’s license ng nasabing drayber ng Toyota Hilux.

Nakasaad sa SCO na kailangan ng drayber at ng may-ari ng sasakyan na magsumite ng notarized explanation sa LTO kung bakit hindi dapat tuluyang irevoke ang kanyang lisensya dahil sa paglabag bilang isang Improper Person to Operate a Motor Vehicle.

Ayon kay Lacanilao, posibleng tuluyang ma-revoke ang lisensya kung mapatunayan ang paglabag, at ang hindi pagdalo sa hearing ay nangangahulugang pagtalikod sa karapatan nilang ipagtanggol ang sarili.

Idiniin ng LTO chief na tinitiyak ng ahensya na bibigyan ng hustisya ang insidente at hindi kukunsintihin ang ganitong asal sa lansangan.

--Ads--