CAUAYAN CITY- Sugatan ang pitong katao kabilang ang anim na estudyante sa aksidente na naganap sa Maharlika Highway, Purok 1, Magsaysay, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Nueva Vizcaya Police Provincial Office o NVPPO napag-alaman na sangkot sa aksidente ang isang tricycle na minamaneho ni Jay Parangan y Lazaro, 48- anyos, may asawa, tricycle driver at residente ng Brgy. San Isidro, Cauayan City, Isabela na kasalukuyang nakatira sa Purok 2, Barangay Magsaysay sa bayan ng Bayombong.
Habang sangkot din sa aksidente ang L300 na minamaneho naman ni Floresco Adaoag Jr, 51- anyos, may asawa at residente ng Barangay Mohan, Malolos, Bulacan.
Sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya lumabas na binabaybay ng tricycle ang lansangan patungong silangang direksyon habang nasa kasalungat naman na direksyon ang L300.
Nang nakarating sa pinangyarihan ng insidente ay lumiko umano pakaliwa ang tricycle ngunit habang ito ay nasa proseso ay bumangga ito sa paparating na L300.
Nagresulta ang insidente upang magtamo ng sugat ang driver ng tricycle maging ang anim na pasahero nitong estudyante edad pito hanggang labing-isa.
Agad naman dinala ng mga rescue team ang mga nasugatan para sa pagkaukulang atensyong medikal.