--Ads--

CAUAYAN CITY – Itinanggi ng driver at kasambahay na kasabwat sila ng suspek sa panloloob at panghoholdap sa amo nilang Chinese National sa kanyang inuupahang bahay sa Baligatan, City of Ilagan.

Unang napaulat sa Bombo Radyo Cauayan na ang biktimang Chinese National na si Wu Liangsheng, 30 anyos, civil engineer ay pinasok at hinoldap sa kanyang inuupahang bahay sa Francisca Village ng suspek na si Rolly Pineda, 38 anyos, may asawa at residente ng Cabannungan 2nd, City of Ilagan.

Tinutukan umano ng kutsilyo, iginapos at binantaan ni Pineda na papatayin si Liangsheng pagkatapos ay tinangay ang higit 200,000 na cash, dalawang cellphone at pitaka ng biktima.

Nabawi rin ang mga ito nang madakip ng mga pulis ang suspek sa Malalam, City of Ilagan sa pamamagitan ng pag-track gamit ang Global Positioning System (GPS) ng isa sa mga cellphone na tinangay ng suspek.

--Ads--

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa dalawang iba pang suspek na sina Aldrin Cabalonga, driver ni Liangsheng at bayaw ng suspek na residente ng Cabanunggan 2nd, City of Ilagan at si Mary Lampitoc, housekeeper ng biktima at residente ng Osmeña City of Ilagan, pinabulaanan nila ang pahayag ng suspek na sila ay kasabwat.

Gayunman ay inamin nila na may ginagawa rin silang mali tulad ng pangungupit ng pera dahil sa sobrang oras na kanilang pagtatrabaho at hindi nababayaran.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Liangsheng, sinabi niya na dakong alas nuebe ng umaga ay umalis ang kanyang driver at housekeeper at alas onse ng tanghali nang siya ay pasukin ng suspek sa kanyang tinitirhang bahay.

Sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng City of Ilagan Police Station ang tatlong suspek para sa kaukulang disposisyon.

Ang pahayag na si Wu Liangsheng.