CAUAYAN CITY- Sugatan ang driver at mga pasahero nito matapos na sumalpok ang sinasakyang truck sa isang van sa pambansang lansangan na bahagi ng Brgy. Lanna, Tumauini, Isabela.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Isabela Police Provincial Office sangkot sa insidente ang isang van na minamaneho ni Efren Sanuco, 29- anyos, binata, self-employed, at residente ng Purok 5, Sinippil, Tumauini, Isabela.
Habang sangkot din sa insidente ang truck na minamaneho ni Mario Bolesa, 47 taong gulang, may asawa, driver at residente ng Lapaz, Saguday, Quirino at mga pasahero nito na kinilalang sina Nomar Pasion, 27 taong gulang, binata at residente ng Purok 6, Patul, Santiago City, Isabela at Mark Anthony Bolesa, 31 taong gulang, may asawa, katulong at residente ng Brgy. Lutuad, Diffun Quirino, Isabela.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad lumalabas na nakahinto ang van sa kalsada para papasok sana sa barangay habang ang truck naman ay binabagtas ang kasalungat na direksyon.
Nang makarating sa lugar ng pinangyarihan ng insidente ay sinubukang mag- overtake ang truck sa sinusundang sasakyan gamit ang inner opposite lane kung saan makahito si van.
Habang nasa proseso ng pag-overtake ang truck ay biglang bumalik ito sa kanyang lane nito upang maiwasan ang pagbangga sa nakahintong van.
Bilang resulta ng insidente ay nawalan ng kontrol ang tsuper ng truck at nag-sideswipe sa kaliwang bahagi ng van.
Kaugnay nito ay bumangga ang truck sa isang sementadong bakod na pag-aari ni Ginoong Vicente Denna Sanuco pagkaraan ay gumulong at bumaligtad ang truck.
Tumilapon ang driver at mga pasahero ng truck mula sa loob ng sasakyan dahilan upang magtamo ang mga ito ng mga sugat sa iba’t- ibang bahagi ng kanilang katawan.
Isinugod naman sila ng rumespondeng rescue team sa Tumauini Community Hospital.
Dahil sa lakas ng impact ay nagtamo ng matinding pinsala sa ulo ang pasaherong si Mark Anthony na kung saan nawalan siya ng malay na kalaunan ay inilipat sa CVMC.
Hindi naman nasaktan ang driver ng van at dinala ito sa Tumauini Police Station para sa kaukulang disposisyon.