--Ads--

CAUAYAN CITY – Sasailalim sa mas mahabang proseso ang mga tsuper ng sasakyan na kuwalipikado sa 10-year validity ng driver’s license.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Acting Assistant Regional Director Manny Baricaua ng LTO region 2, sinabi niya na sa ilalim ng Republic Act 10930 o Rationalizing and Strengthening the Issuance of  Driver’s License ay inaasahang maraming mga motorista ang dadaing dahil sa dagdag na gastusin at mas mahabang proseso sa pagre-renew ng lisensiya.

Nilinaw  ni Ginoong Baricaua na ang pagbibigay ng 10-year validity ng lisensiya ay isang pribilehiyo ng mga tsuper ng sasakyan na hindi nakapagtala ng anumang paglabag sa batas sa lansangan.

Aniya, sa ilalim ng nasabing batas, ang pagbibigay ng pribilehiyo sa 10 taong validity ng lisensiya ay may katumbas na obligasiyon kabilang ang mandatory Comprehensive Driver’s Education seminar.

--Ads--

Aniya, kailangang sumailalim sa limang oras na driver’s re-orientation at comprehensive education seminar ang tsuper bago makapag-renew ng lisensiya.

Ang tsuper na makakapagtala ng limang demerit points ay awtomatikong sasailalim sa apat na oras na driver’s re-orientation.

Kailangan ding sumailalim sa dalawang beses na periodoc medical examination ang motoristang kwalipikadong mapagkalooban ng sampung taong bisa ng lisensiya na isasagawa sa ikaapat at ikapitong taon mula nang makuha ang lisensiya.

Tentative target date ng LTO Region 2  ang ika-26 ng Nobyembre para sa pagpapatupad ng batas sa rehiyon dos.

Ito ay dahil hinihintay pa nila ang guidelines para sa pagsisimula ng pagbibilang ng demerit points sa mga motoristang may paglabag sa batas sa lansangan maliban pa sa guidelines sa pagsasagawa ng comprehensive driver’s education seminar.

Ang pahayag ni ARD Manny Baricaua ng LTO region 2.