CAUAYAN CITY – Boluntaryong sumuko sa kapulisan ang tsuper ng van na sangkot sa pagkasawi ng kambal na lalaki sa Dupax Del Norte, Nueva Vizcaya.
Matatandaan na nasawi ang magkambal na binatilyo matapos nilang mabangga ang isang van sa pambansang lansangan na nasasakupan ng bayan ng Dupax Del Norte.
Mula sa National Highway ay lumiko pakanan ang van na papasok sana sa isang kanto nang banggain sila ng paparating na motorsiklo na kinalululanan ng mga biktima.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Rudil Bassit, Hepe ng Dupax Del Norte Police Station, sinabi niya na nang dahil umano sa takot ay tumakas ang tsuper ng van at habang nasa proseso ng pagtakas ay nasagasaan nito ang isa sa mga biktima.
Nagsagawa naman ang Dupax Del Norte Police Station ng hot pursuit operation at natunton nila ang van sa Nantawacan, Kasibu, Nueva Vizaya ngunit wala roon ang tsuper nito.
Nito lamang Lunes, ika-11 ng Pebrero ay nakatanggap ng ulat ang kanilang himpilan mula sa Santa Fe Police Station na sumuko umano roon ang suspek.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Dupax Del Norte ang suspek at desidido naman ang pamilya ng mga biktima na sampahan ito ng kaso.
Napag-alaman na galing sa paaralan ang mga biktima at umuwi sila sa kanilang bahay gamit ang motorsiklo para kuhanin ang kanilang babauning pagkain para sa nilahukan nilang sports competition at pabalik na sana sa kanilang paaralan nang maganap ang insidente.